In-adopt na ng Senado ang resolusyon, na kumukundena sa China laban sa patuloy na pangha-harass ng mga Chinese Coast Guard at militia vessels sa mga mangingisdang Pilipino at panghihimasok sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sa sesyon ngayong hapon sa plenaryo, ay mabilis na inaprubahan ng mga miyembro ng Mataas na Kapulungan ang Senate Resolution 718 na unang isinulong nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Risa Hontiveros.
Wala na ring nag-interpellate sa resolusyon dahilan kaya agad na in-adopt ito sa plenaryo.
Bukod sa pagpapahayag ng pagkundena ng Senado sa patuloy na pam-bu-bully ng China sa Pilipinas, nakasaad din sa resolusyon ang paghimok sa gobyerno ng Pilipinas na ilaban ang karapatan sa soberenya ng bansa sa ating exclusive economic zone at continental shelf.
Nananawagan din ang mga senador sa China na itigil na ang kanilang mga iligal na aktibidad sa ating teritoryo salig na rin sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 na pabor sa Pilipinas at nagbabasura sa 9-dash line ng China.
Nakapaloob din sa resolusyon ang paghikayat ng Senado sa pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magpasa ng resolusyon sa UN General Assembly (UNGA) para sitahin ang China at itigil na ang pangha-harass at panghihimasok ng China sa ating bansa.
Samantala, lahat na ng mga senador ay nagpahayag na maging co-authors ng resolusyon.