Resolusyon na nagpapahayag ng pagkundena ng Senado sa sunud-sunod na pananambang at pagpatay sa mga local government officials at paghimok sa PNP na aksyunan ang mga krimen, ihahain ng Senado

Ihahain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ngayong araw ang resolusyon na nagpapahayag ng pagkundena ng Senado sa sunud-sunod na pagpatay sa mga local government officials, mga empleyado at mga pribadong indibidwal gayundin ang paghihikayat sa Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat ng mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan.

Ginawa ng senador ang paghahain ng resolusyon matapos ang brutal na pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at limang iba pa habang namimigay ito ng ayuda sa mga beneficiaries sa kanyang tahanan noong Sabado ng umaga.

Nakasaad sa ihahaing resolusyon ni Villanueva na mula February 17 hanggang March 4, 2023, tatlong lokal na pamahalaang opisyal na ang sugatan o nasawi dahil sa pananambang.


Kabilang dito sina Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr., na sugatan sa ambush noong February 17; ang pang-a-ambush at pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda noong February 19; at ang pananambang kung saan sugatan naman si Datu Montawal, Maguindanao Mayor Ohto Montawal noong February 22.

Tinukoy din sa resolusyon ang pananambang at pagpatay sa ilang mga dating local government officials noong nakaraang taon.

Sinabi ni Villanueva na kabilang sa mga senador na lumagda na sa kanyang ihahaing resolusyon ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President pro-tempore Loren Legarda at Senators JV Ejercito, Nancy Binay, Grace Poe, Raffy Tulfo, Sonny Angara, Bato dela Rosa, Bong Revilla, Francis Tolentino, Sherwin Gatchalian, Jinggoy Estrada, Mark Villar at Bong Go.

Facebook Comments