Resolusyon na nagpapaimbestiga sa benepisyo ng bansa sa POGO, inihain na sa Senado

Inihain na ni Senator Sherwin Gatchalian ang resolusyon na nagpapaimbestiga sa mga kinita at posibleng kikitain pa ng gobyerno sa POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Sa Senate Resolution 227 ni Gatchalian ay pinasisiyasat ‘in aid of legislation’ ang naging pakinabang at mga benepisyo sa ekonomiya ng bansa mula sa POGO.

Tinukoy sa resolusyon ang mababang halaga ng buwis na nakokolekta sa POGO kada taon habang ang krimen na iniuugnay sa mga POGO ay patuloy namang tumataas.


Ayon kay Gatchalian, sa report ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakalikom ang gobyerno sa POGO ng higit P7.2 billion noong 2020 at bumaba naman sa 2021 na nasa P3.91 billion.

Sa unang quarter ngayong 2022, aabot pa lang sa P1.55 billion ang nakolektang buwis sa POGO.

Pero sa pagtaya naman ng Department of Finance (DOF) ay mayroon umanong P76.2 billion na makokolekta sa POGO mula ngayong taon hanggang sa 2023.

Giit ni Gatchalian, mahalaga itong mapag-aralan dahil gumugugol ngayon ng oras at dagdag gastos ang Philippine National Police (PNP) para resolbahin ang mga kasong kinasangkutan ng mga POGO workers tulad ng kidnapping, abduction, prostitution, pagpaslang at iba pang krimen.

Facebook Comments