Resolusyon na nagpapaimbestiga sa integridad ng Lotto, inihain na sa Senado

Inihain na sa Senado ang resolusyon na nagpapaimbestiga sa integridad ng Lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa Senate Resolution 253 na inihain ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, iginiit ang kahalagahan na masilip ang mga noon pang alegasyon ng anomalya sa mga panalo sa Lotto.

Nakasaad sa resolusyon na nakakahinala ang madalas na pagkapanalo sa jackpot sa Lotto kahit isa lang sa mahigit limang milyong tsansa ang posibilidad na may manalo rito.


Mas lalo ring nagpatindi sa duda ang ‘multiple jackpot winners’ sa maraming Lotto draw lalo na kamakailan kung saan 433 ang nanalo sa 6/55 Lotto draw.

Daig pa aniya ang Guinness Book of World Records dahil sa naitalang dami ng panalo na ito.

Nais matiyak ni Pimentel na sa gagawing imbestigasyon, ang Lotto ay walang halong panloloko lalo’t ang sugal na ito ay ligal at pinapayagan ng gobyerno kung saan dito rin hinuhugot ang pondo para sa health programs at medical assistance ng pamahalaan.

Facebook Comments