
Umapela si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado na aksyunan na ang resolusyong inihain ng Duterte Bloc na humihimok na suportahan ang pagpapa-house arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, The Netherlands.
Ang paghikayat ng mambabatas sa mga kasamahan sa Mataas na Kapulungan ay kasunod ng ginawang welfare check ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa The Hague.
Sa privilege speech ni Dela Rosa ay naging emosyonal at halos maiyak ang senador nang kwestyunin ang ginawang welfare check kay Duterte na isinuko ng pamahalaan at ipinakulong sa International Criminal Court (ICC).
Aniya, paano maaasahan ang isang lawful welfare check gayong hindi naman sumunod noon sa legal procedure nang isuko si dating Pangulong Duterte.
Kung talagang nais aniya na magpakita ng malasakit kay Duterte ay makabubuting suportahan ng mga senador ang resolusyong inihain para sa pagpapa-house arrest sa dating pangulo.
Umaasa si Dela Rosa na sa Lunes ay maaaprubahan ang naturang resolusyon lalo’t nagpahayag na rin ng suporta aniya rito ang mga myembro ng majority bloc.









