Pinagtibay sa plenaryo ng Senado ang isang resolusyon na tahasang tumutuligsa sa pagbebenta at marketing ng mga e-cigarette at iba pang vape product sa mga kabataan.
Sa inaprubahang ‘unnumbered resolution’, iginiit ni Senator Pia Cayetano na ang Vape Law ay taliwas sa nakapaloob sa Sin Tax Law kung saan nakasaad na tanging tobacco at plain menthol flavors lang ang pinapayagan.
Maliban dito, batay rin sa Section 12 ng Vape Law, ang mga vaporized nicotine, non-nicotine at novel tobacco products na ang packaged, label o mina-market na may iba-ibang flavors na maaaring lubhang makahikayat sa mga kabataan ay mahigpit na ipinagbabawal.
Sa privilege speech ni Cayetano, ipinakita nito sa mga senador ang mga vape product na maraming flavors at may mga disenyo ng cartoon characters at candy products na patok ngayon sa mga kabataan.
Malinaw na ang mga inilalagay na dagdag na flavors at disenyo ay paglabag sa mga nabanggit na batas.
Iginiit ng senadora na tungkulin nilang mga mambabatas na gumawa ng paraan para matigil na ang bentahan ng ganitong mga vape product na mistulang ipinalalabas na ito ay ligtas sa kalusugan at tina-target pa ang mga kabataan.
Sinuportahan ng mga senador ang inaprubahang resolusyon at pinakikilos ang Department of Trade and Industry (DTI) na mahigpit na ipatupad ang mga batas.