Tiniyak ng Department of Justice na ilalabas nila ngayong buwan ang desisyon sa kaso laban sa tinaguriang Ninja Cops.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na natapos na ng Panel of Prosecutors ang imbestigasyon sa mga reklamo laban kay Retired PNP Chief Oscar Albayalde at 13 pang pulis ng Pampanga na nasangkot sa kontrobersyal na drug raid noong November 2013.
Ipinaliwanag ni Guevarra na nailabas na sana noon pang December 2019 ang desisyon pero dahil sa holiday break ay naantala ito.
Magugunitang ni-raid ng grupo ni Maj. Rodney Raymundo Louie Baloyo IV ang bahay na inuupahan ni Johnson Lee sa Woodbridge Subdivision, Lakeshore sa Mexico Pampanga noong November 29, 2013 pero hindi raw idineklara ang tunay na total na dami ng mga nakumpiskang shabu.