Pinapabawi ng Makabayan bloc kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang resolusyon ng Inter-Agency Task Force o IATF kaugnay sa COVID-19 mandatory vaccination para sa mga manggagawa.
Sa House Resolution 2373 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan ay nakapaloob ang apela sa pangulo na i-repeal ang IATF Resolution 148-B na inilabas noong November 11 kung saan nakasaad ang mandatory na pagbabakuna sa mga empleyado na papasok “physically” sa trabaho.
Sa halip na sapilitang pagpapabakuna ay dapat na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga itinuturing na “economic frontliners.”
Puna ng Makabayan, ang naturang resolusyon ng IATF ay malinaw na nagpapairal ng “no vaccination, no work policy” at itinuturing na ilegal sa ilalim ng mga kasalukuyang batas.
Iginiit pa ng Makabayan na ang hakbang ay “unethical” lalo na kung magkaroon ng diskriminasyon laban sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Samantala, umaalma rin ang mga mambabatas sa mandatory na COVID-19 test sa mga manggagawa dahil ang mga workers rin ang gagastos sa mga sarili.
Giit ng grupo, dapat magkaroon ng libreng testing para sa lahat ng mga empleyado na sasagutin ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan sa mga lugar ng trabaho.