Minaliit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang resolusyon ng Kamara na humihimok sa mga ahensya ng pamahalaan na makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa mga krimen at paglabag sa karapatang pantao sa inilunsad na ‘war on drugs’ ng nakaraang Duterte administration.
Giit ni Dela Rosa na siyang PNP chief noong ipinatupad ang war on drugs campaign, kahit na aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon ay mananatili lamang itong resolusyon kung hindi aaksyunan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Binigyang-diin dito ng senador na una pa lang ay nilinaw naman na ng pangulo na hindi papayagan ang ICC na manghimasok sa soberenya ng bansa.
Paalala pa ni Dela Rosa na ang mga ahensya ng pamahalaan na hinihimok ng Kamara na makipagtulungan sa ICC investigation ay sumusunod lamang sa utos ng presidente at hindi sa Kongreso.
Kung sa Kamara ay tila hinihikayat ang pamahalaan na makipag-cooperate sa ICC, sa Senado naman ay naghain si Senator Jinggoy Estrada na maghayag ang Mataas na Kapulungan ng mariin na pagtutol sa imbestigasyon ng international court habang sina Senator Robin Padilla at Senator Christopher Bong Go ay naghain naman ng bukod na resolusyon na naglalayong ipagtanggol ng Senado si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa imbestigasyon ng ICC.