Inaantabayanan pa ng Philippine National Police (PNP) ang resolusyon na ilalabas ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay sa administratibong kaso ng mga pulis na sangkot 990-kilos shabu raid sa Maynila noong 2022.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO3 RD Police Brigadier General Jean Fajardo, nagkaroon na ng motu proprio investigation ang NAPOLCOM na humahawak sa kaso.
Aniya, may ilang naabswelto sa kaso kung kaya’t hindi sila maaring makapagsampa pa ng hiwalay na admin case.
Gayunman, pinag-aaralan pa ng Pambansang Pulisya ang ibang legal remedy para masibak sa serbisyo ang mga sangkot pulis.
Una nang sinabi ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil na nais nyang maalis sa serbisyo ang mga aktibong pulis na sangkot sa maanomalyang operasyon.
Sa ngayon, 10 mula sa 29 na aktibong pulis na ang hawak ng PNP kung saan tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanap ng binuong Task Force sa iba pang dawit na pulis maging sila man ay aktibo, retired, at dismissed na sa tungkulin.