Resolusyon ng pagpapahayag ng pakikidalamhati ng Senado, pinagtibay ng Mataas na Kapulungan

Pinagtibay ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang Senate Adopted Resolution 83 na nagpapahayag ng pakikidalamhati ng mga senador sa pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan ‘Toots’ Ople.

Kinilala ng mga senador sa nasabing resolusyon ang naging dedikasyon ni Secretary Ople sa kanyang adbokasiya para sa labor sector at sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa sponsorship speech ni Senate President Juan Miguel Zubiri, inalala niya ang naging pahayag ng Kalihim nang tanggapin niya ang tungkulin na pamunuan ang DMW sa kabila ng pagka-diagnose nito ng breast cancer dalawang taon na ang nakararaan.


Inspirasyon aniyang maituturing ang pahayag ni Ople na nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay para sa kanyang pagtatanggol na pagsilbihan ang ating mga overseas workers.

Tinukoy naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga napagtagumpayan ng DMW sa ilalim ng pamumuno ni Ople tulad ng pagtatatag ng One Repatriation Command Center, digitalization at national reintegration programs, bilateral labor agreements, at anti-illegal recruitment and trafficking in persons campaign.

Binigyang pagkilala rin ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman Raffy Tulfo ang mahusay na pakikipagtulungan ng Kalihim sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga OFW.

Samantala, ngayong araw ay pupunta ang mga senador sa lamay ni Secretary Toots sa Heritage Park para personal na iabot sa naulilang pamilya ng kalihim ang kanilang pinagtibay na resolusyon.

Facebook Comments