Naghain si Senator Jinggoy Estrada ng resolusyon ng pakikidalamhati ng Senado at pagkilala sa kontribusyon ng broadcast journalist na si Mike Enriquez na pumanaw noong Martes.
Nakasaad sa Senate Resolution No. 770 na inihain ni Estrada na ang pagpanaw ni Enriquez ay isang malaking kawalan sa buong broadcasting industry na kasalukuyang nasa ilalim ng disinformation, fake news at iba pang masamang epekto ng digital media age.
Tinukoy rin sa resolusyon na sa loob ng 54-taong karera bilang isang pinagkakatiwalaang personalidad sa radyo at telebisyon, sinabi ni Estrada na nakakuha ng maraming pagkilala si Enriquez mula sa mga lokal at international na award-giving bodies.
Nakatakda ring maghain sa susunod na linggo ng kaparehong resolusyon si Senator Sonny Angara.
Bibigyang papuri ang yumaong mamamahayag sa naging dedikasyon nito sa trabaho, gayundin ang ipinamalas na integridad at pangunguna sa pagtataas ng lebel ng broadcast journalism sa bansa partikular na sa larangan ng AM news radio kung saan siya nagsilbing “icon” ng industriya.
Sinabi pa ni Angara na ang legacy ni Enriquez bilang hinahangaan at respetadong personalidad sa broadcast media ay hindi makalilimutan ng milyung-milyong Pilipino sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat.