Resolusyon ng pakikiramay para sa aktres na si Jaclyn Jose, inihain sa Kamara

Sa pamamagitan ng paghahain ng House Resolution 1628 ay nagpahayag ng taos-pusong pakikiramay ang mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc sa pagpanaw ng aktres na si Jaclyn Jose.

Sa naturang resolusyon ay kinilala nina Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang “legacy” at malaking ambag ni Jose sa industriya ng pelikula at telebisyon sa ating bansa.

Pinuri din sa resolusyon ang galing ni Jose na pinatunayan ng paghakot nito ng parangal mula sa Gawad Urian, Famas Awards, at iba pang pagkilala gayundin ang nominasyon sa Asian Film Awards.


Ibinida rin sa resolusyon na si Jose ay ang nag-iisang Filipino at Southeast Asian na nagwaging Best Actress sa prestihiyosong Cannes Film Festival, dahil sa kanyang natatanging papel sa pelikulang “Ma ‘Rosa” noong 2016.

Facebook Comments