Inihain sa Kamara ang isang resolusyon na pagpapahayag ng pakikisimpatya at pakikiramay ng Mababang Kapulungan sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ang resolusyon ay inihain sa Kamara ng mga Liberal Party Congressmen na sina Deputy Speaker Mujiv Hataman, Deputy Minority Leader Kit Belmonte, Edcel Lagman, Jocelyn Limkaichong, Josephine Ramirez – Sato, Edgar Erice, Isagani Amatong, Stella Luz Quimbo, Francis Gerald Abaya, Emmanuel Billones, Gabriel Bordado Jr., Edgardo Chatto, Paul Daza, Romulo “Kid” Peña Jr., Alfonso Umali Jr., at Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan.
Nakasaad sa resolusyon na si dating Pangulong Aquino ay maituturing na “champion” ng good governance reforms, anti-corruption at transparency sa ilalim ng mantra nito na “Kayo ang Boss Ko” at “Daang Matuwid.”
Sa anim na taong panunungkulan ni PNoy ay isinulong nito ang mga flagship programs ng gobyerno tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Bottom-Up Budgeting Process at universal health care services na siya namang pinakikinabangan ngayon ng milyon-milyong mga Pilipino.
Ipinunto rin sa resolusyon ang pagtayo ni PNoy laban sa China at paggiit ng bansa sa claims nito sa West Philippine Sea.
Pinangalanan din ng TIME Magazine si Pangulong Aquino na isa sa pinakamaimpluwensyang tao sa buong mundo noong 2013 dahil sa paglago ng ekonomiya at paninindigan sa mga kontrobersyal na isyung kinaharap ng bansa.
Ayon kay Hataman, si PNoy ay habambuhay na maalala dahil sa walang kapaguran nitong paglaban sa korapsyon at kahirapan tulad ng mga magulang nito na sina dating Senador Ninoy Aquino Jr., at dating Pangulong Corazon Aquino.