Inaasahang tatalakayin na ng Korte Suprema sa darating na linggo ang pinal na desisyon nito sa kaso ng MORE Electric Power (MORE) at Panay Electric Company (PECO).
Sa virtual press conference ng consumer rights advocate group na Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), inihayag ng grupo na magsisilbing ‘huge precedent’ para sa mga negosyo sa Pilipinas at maging sa foreign direct investment (FDI) na pumapasok sa bansa ang magiging resolusyon ng Supreme Court sa dalawang -taong power dispute sa pagitan ng MORE at PECO.
Ayon naman kay PECO legal counsel Atty. Estrella Elamparo, ang marahas na pag-takeover ng MORE sa mga pasilidad ng PECO ay labag sa Konstitusyon at iligal.
Dahil dito, sinabi ni Elamparo na ang paborableng desisyon ng korte sa MORE ay magle-legitimize sa mga hostile takeovers sa iba ring mga kumpanya at prangkisa ng mga interesadong partido.
Dagdag pa ng abogado, mayroong national implications ang resolusyon ng SC sa MORE-PECO case.
“If the MORE position is affirmed by the courts, it will be followed by others who are not qualified and are not deserving to be granted a franchise by Congress,” giit ni Elamparo.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Elamparo ang kahalagahan ng pagtutok sa kaso hanggang sa resolusyon nito sa Korte Suprema dahil hindi ito alitan lamang sa pagitan ng dalawang kumpanya.
”This is not a fight between two companies, PECO and MORE. What are at stake here are the interests of the people,” ani Elamparo
Samantala, hinimok ng KBK ang Energy Regulatory Commission (ERC) na agad imbestigahan ang sinasabing hindi pagsunod ng MORE Power dahil sa pagsingil ng systems loss rate ng halos doble sa ipinaguutos ng ERC.
Ito ang dahilan kaya umaaray ang mga konsyumer na overbilled sila at humihingi ng refund mula sa MORE.
Sinabi naman ni Constitutional expert at Ateneo School of Government Dean Tony La Viña, na ang nararanasang power failure at overbillings ng mga Ilonggo ay bunsod ng kabiguan ng Kongreso na sundin ang criteria sa pagbigay ng prangkisa.
Anya ibinigay ng Kongreso ang prangkisa para sa isang major electrical system sa isang kumpanya na wala namang karanasan na lumikha ng problema sa Iloilo City.
Magiging ‘disastrous’ anya sa bansa kung papayagan ang mga katulad na pag-takeover sa mga prangkisa at negosyo ng mga kumpanya na hindi naman kwalipikado at walang karanasan.
“If companies like that just get Congress to give them a franchise, and expropriate the actual business’ facilities and equipment, without building their own—-that would allow monopolistic behavior and allow control of a vital part of our economy to a single conglomerate or family. This will make the situation for investors, especially in the utilities industry like water and power, very tense. There is no protection for your investments, domestic and foreign, if this kind of legislature is allowed. This development will be a blow to FDI,” paliwanag ni La Viña.