Resolusyon ng Senado na ng humihiling ng deklarasyon ng State of National Calamity dahil sa ASF, hawak na ng Palasyo

Naipadala na ng Senado sa Malakanyang ang ipinasa nitong resolusyon na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng State of National Calamity dahil sa pinsala ng African Swine Fever o ASF.

Nakapaloob din sa resolusyon ang hiling ng Senado sa Pangulo na huwag pagbigyan ang rekomendasyon ng Department of Agriculture na mula sa kasalukuang 54,000 kilo ay itaas sa 400,000 kilo ang karne ng baboy na aangkatin ngayong taon.

Kasama rin dito ang apela ng Senado kay Pangulong Duterte na huwag payagan ang nais ng DA na tapyasan ang taripa na ipinapataw sa importasyon ng pork products.


Ikinatwiran ng Senado sa resolusyon na kapag inaprubahan ng Pangulo ang nabanggit na mga rekomendasyon ng DA ay babaha ng imported na karne ng baboy sa bansa at papatayin nito ang lokal na industriya ng magbababoy at mawawalan din ang gobyerno ng halos 14-billion pesos na buwis.

Samantala, plano naman ni Sotto na sa April 6 ikasa ang pagdinig ukol sa ibinunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sindikato umano sa DA na kumukubra ng “tongpats” sa importasyon ng karne ng baboy at manok.

Facebook Comments