Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nangyaring pagpapalabas ng resolution no. 4 ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kahapon na pinapayagan ang pag-iimport ng 300,000 metrikong toneladang asukal sa bansa.
Ayon kay Pres. Secretary Trixie Cruz-Angeles, iligal ang resolusyon na inilabas ng SRA at walang pahintulot ni Pangulong Marcos na siyang chairman ng board ng SRA.
Giit ni Angeles, bilang chairman ng board ng SRA, walang awtorisasyon si Pangulong Marcos sa ipinatawag na board meeting para ilabas ang nasabing resolusyon.
Wala rin aniyang awtorisasyon ang pangulo para pirmahan sa ngalan ng kanyang pangalan ang SRA Resolution No. 4 na pinirmahan ni Undersecretary Leocadio Sebastian.
Dahil dito, isang imbestigasyon ang agad na ipinag-utos ng pangulo sa ilang opisyal ng SRA at upang malaman kung may mga masisibak sa pwesto.