Pinatibay na ng Mababang Kapulungan ang House Resolution 728 na sumusuporta sa agarang pag-ratipika ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
November 15, 2021 nang lumagda ang Pilipinas sa RCEP na isang kasunduan sa pagitan ng mga bansang miyembro ng ASEAN kasama ang Japan, South Korea, China, New Zealand at Australia.
Sa kanyang sponsorship speech ay binigyang diin ni Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos na ang RCEP ay isang kasunduang pang-ekonomiya na pakikinabangan ng mga kasaping bansa.
Sabi ni Marcos, ito ay sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang maluwag at competitive investment environment kung saan aalisin ang mga taripa at iba pang restriction para sa malayang pangangalakal.
Ayon kay Marcos, ang bilyong pisong halaga ng investment na iniuwi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa kanyang mga byahe sa Singapore, Indonesia at China ay pasilip pa lang sa mga benepisyong aanihin ng Pilipinas oras na ratipikahan ang RCEP.
Binanggit ni Congressman Marcos na kasama na rin dito ang piangtibay na economic at foreign ties at dagdag trabaho para sa mga Pilipino.
Bukod kay representative Marcos, ang paghahain sa naturang resolusyon ay pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez kasama sina Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Trade and Industry Committee Chair Mario Vittorio Mariño.