Resolusyon para ipagpaliban ang jeepney phaseout sa June 30, tatalakayin na bukas ng Senado

Tatalakayin na bukas, araw ng Huwebes, ang resolusyon ng Senado patungkol sa pagpapaliban sa nakatakdang phase out ng traditional jeepneys sa June 30.

Kagabi ay in-adopt sa plenaryo ang Senate Resolution 507 kung saan hinihikayat ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB na suspendihin ang pagpapatupad ng jeepney phaseout sa Hunyo 30 alinsunod na rin sa implementasyon ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Humingi ng permiso si Senator Grace Poe sa mga myembro ng Mataas na Kapulungan na agad dinggin sa Huwebes ang resolusyon upang mapigilan ang nakaamba na isang linggong tigil-pasada na ikakasa ng mga transport groups mula March 6 hanggang 12.


Kinatigan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang hirit ni Poe na bagama’t mayroong 3-day rule na sinusunod ang Kongreso bago isalang sa pagdinig ang isang panukala o resolusyon, maituturing namang ‘national concern’ ang problema na nangangailangan ng agarang atensyon ng mga mambabatas.

Wala namang senador ang tumutol nang tanungin sila sa agad na pagsasagawa ng pagdinig hinggil sa pagsuspindi ng phaseout ng mga jeepneys.

Ang Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe ang didinig sa nasabing resolusyon.

Facebook Comments