Resolusyon para magkaisa ang Kamara laban sa pahayag ng Chinese ambassador na “waste of paper” ang ruling ng arbitration court, ihahain sa Kamara

Maghahain si Deputy Speaker at CIBAC Partylist Rep. Eddie Villanueva ng resolusyon na nananawagan sa Kamara ng pagkakaisa para tuligsain at kontrahin ang pahayag ng Chinese ambassador na “waste of paper” ang ruling ng arbitration court sa West Philippine Sea (WPS) pabor sa Pilipinas.

Matatandaang sa isang press briefing sa Beijing na kasabay sa petsa ng tagumpay ng bansa sa WPS ay sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian na ang panalo ng bansa noong 2016 sa The Hague ay illegal, null, void at isa lamang basurang papel.

Mariing kinokondena ni Villanueva ang pahayag ng Chinese official dahil ito ay malinaw na pagpapakita ng kawalang respeto at tahasang pagbalewala sa integridad at interes ng bansa sa teritoryo.


Giit ng kongresista, ang isang bansa tulad ng China na may ganitong baluktot na pronouncement ay hindi nararapat sa “friendly” bilateral ties na ibinibigay ng mga Pilipino sa mga kaalyadong nasyon.

Naniniwala ang deputy speaker na nararapat lamang na magkaisa ang mga mambabatas laban sa iresponsableng pahayag ng Chinese ambassador.

Hinimok ni Villanueva ang administrasyong Duterte na patuloy na ilaban at igiit sa China ang victory o tagumpay ng bansa sa 2016 Hague ruling dahil ito na lamang din ang pinakamagagawa salig na rin sa sinumpaang tungkulin na depensahan ang Konstitusyon.

Facebook Comments