Manila, Philippines – Inihain ngayon nina Senator Tito Sotto III at Panfilo Ping Lacson ang Senate Resolution Number 468 na nag-aatas sa Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na imbestigahan si Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista.
Basehan ng hakbang nina Sotto at Lacson ang ibinunyag ng misis ni Bautista na si Patricia na mayroon itong 35 bank accounts sa Luzon Development Bank (LDB) na may kabuuang halagang aabot sa P329-milyon.
Layunin ng pagdinig na madetermina kung may paglabag si Bautista at ang LDB sa Republic Act no. 9160 o ang Anti-Money Laundering Act.
Sa resolusyon ay tinukoy nina Sotto at Lacson, na si Bautista, bilang chairman ng COMELEC ay maituturing na Politically Exposed Person (PEP) sa ilalim ng AMLA.
Giit ng dalawang senador, tungkulin ng LDB na i-report sa Anti-Money Laundering Council o AMLC ang mga kahina-hinalang transaksyon sa bangko ni Bautista.
Sisilipin ding mabuti ng Senado ang ginawa ni chairman Bautista na paghahati-hati ng kanyang salapi sa iba’t ibang bank accounts para makaiwas sa AMLA.