Pinagtibay na ng House Committee on Basic Education and Culture ang House Resolution 1059 na nagsusulong na mapadali ang pagsasagawa ng “emergency transfer” ng mga estudyanteng apektado ng mga kalamidad sa bansa.
Nakapaloob sa resolusyon ang hiling sa Department of Education o (DepEd) na bumuo at magpatupad ng malinaw na patakaran para maisakatuparan ang agarang paglilipat ng paaralan sa mga estudyanteng biktima ng kalamidad o sakuna.
Paliwanag ni Pasig City Rep. Roman Romulo na siya ring chairman ng komite, lubhang kawawa ang mga mag-aaral na biktima ng kalamidad o sakuna at dagdag sa kanilang kalbaryo ang sangkaterbang mga dokumento at iba pang requirements para makalipat ng paaralan.
Bunsod nito ay iginiit ni Romulo na panahon nang magkaroon ang DepEd ng “national guidelines and protocols” kung saan updated ang Learner Information System at padadaliin ang mga proseso para sa emergency transfer ng mga estudyante.
Bilang tugon, ay nangako naman si DepEd Director Christian Rivero na maglalabas ang Kagawaran ng guidelines kaugnay sa emergency transfer.