Pinagtibay ng Senado ang resolusyon para sa pagbuo ng special committee para sa pagbabantay sa rehabilitasyon ng Manila Central Post Office.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, sponsor ng resolusyon, ang sunog noong May 21 na nagresulta sa pagkasira ng iconic building at kilalang landmark sa Maynila ay pumukaw ng atensyon ng maraming Pinoy na labis na nalungkot sa pangyayari.
Sa resolusyon, mandato ng komite na pag-aralan, irebisa, suriin at imbestigahan ang value aspects na may kinalaman sa reconstruction at rehabilitation ng historic site gayundin ang pagkonsidera sa mga opsyon ng redevelopment.
Umaasa si Legarda na ang insidente ay magsisilbing ‘wake up call’ para buhayin ang dedikasyon at pagtutulungan ng lahat upang protektahan ang cultural legacy para sa mga susunod na henerasyon.
Itinalaga namang miyembro ng komite kasama ni Legarda sina Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, Senators Pia Cayetano, Nancy Binay at Sonny Angara.