Resolusyon sa Kamara, pinapaikot ngayon para hilingin ang muling pagbubukas ng sesyon

Pinapaikot ngayon sa mga kongresista ang isang resolusyon para hilingin ang resumption o muling pagbubukas ng sesyon sa Kamara sa mga susunod na araw.

Ito ang kinumpirma ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco, isang araw matapos na magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin at aprubahan na ng Kamara ang 2021 national budget dahil kung hindi ay ang Presidente ang kikilos para rito.

Giit ni Velasco, ang muling pagbubukas ng sesyon ang tanging paraan upang maaprubahan sa oras ang P4.5 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon.


Marami pa aniyang mga kagawaran ang hindi pa napagdebatehan kaya kinakailangan na mabuksan at maipagpatuloy ang sesyon.

Sinabi pa ni Velasco na kung tutuusin ay maaaring hilingin ng Kamara sa Senado na mapalawig ang kanilang session days hanggang sa matapos at maaprubahan sa ikatlong pagbasa ang budget upang sa gayon ay matiyak na walang delays dito.

Tiniyak nito na handa silang mga kongresista na magtrabaho kahit sa weekdays matapos lamang sa itinakdang panahon ang deliberasyon at maaprubahan ang panukalang pondo ng sakto sa oras.

Facebook Comments