
Bumubuo ang Sandiganbayan ng bagong panuntunan o mekanismo na layuning pabilisin o hindi lalagpas sa 120 araw ang paglalabas ng resolusyon sa mga kaso ng katiwalian.
Inihayag ito ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez na siyang nagdedepensa sa panukalang 2026 budget ng hudikatura sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara.
Tugon ito ni Rodriguez sa tanong ni Akbayan Partylist Representative Chel Diokno kung ano ang mga hakbang ng Judiciary para mapabilis ang paggawad ng hatol o parusa sa mga indibidwal na sangkot sa katiwalian, tulad ng maanumalyang flood control projects.
Tiniyak naman ni Rodriguez na agad isusumite sa Kongreso ang opisyal na kopya ng mga bagong panuntunan.
Kasabay nito ay iginiit din ni Diokno sa judiciary na bumuo ng permanent database monitoring system sa mga kaukulang ahensya para matiyak na ang mga mahahatulan ay magsisilbi sa kanilang sentensya.









