Resolusyong humihikayat sa DFA na gawin ang lahat ng hakbang para matigil na ang mga insidente sa West Philippine Sea, ihahain ng isang senador

Maghahain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng resolusyon na nananawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin ang lahat ng aksyon para matigil na ang harassments at panggugulo ng China sa West Philippine Sea.

Kasabay nito ang mariing pagkundena ni Villanueva sa pinakahuling pag-atake ng China Coast Guard (CCG) sa ating Philippine Coast Guard (PCG) habang nasa gitna ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Giit ng senador, ang pinakahuling insidenteng ito ng China sa ating mga kababayan ay hindi makatao, iligal at napakasama.


Bunsod ng panibagong insidenteng ito ay maghahain si Villanueva ng resolusyon para ipanawagan sa DFA na gawin ang lahat ng paraan upang mahinto na ang pangha-harass at pagsalakay na ginagawa ng China sa ating teritoryo.

Hihingi rin ng update ang Mataas na Kapulungan sa DFA tungkol sa inaprubahang Senate Resolution No.79 o ang paghimok sa pamahalaan na mag-sponsor ng resolusyon sa UN General Assembly para ipanawagan sa China na itigil na ang harassment at pangbu-bully sa ating mga barko sa West Philippine Sea.

Pinuri din ng mambabatas ang Philippine Navy at Coast Guard sa kanilang kabayanihan at katapangan sabay ng apela sa taumbayan na sama-sama nating ipaglaban na atin ang West Philippine Sea.

Facebook Comments