Resolusyong humihiling sa pagbibitiw sa pwesto ni DOH Sec. Francisco Duque III, ibinasura ni PRRD

Mananatiling bilang kalihim ng Department of Health (DOH) si Secretary Francisco Duque III.

Kasunod ito ng resolusyon ng 14 na senador na humihiling sa pagbibitiw ni Duque dahil failure of leadership, negligence at lack of foresight” sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpasyang hindi aalisin sa pwesto ni Duque.


Nagpasalamat din aniya ang pangulo sa mga senador at dahil dito magkakaroon siya ng pagkakataon para timbangin at i-evaluate ang performance ni Duque.

Alam na rin aniya ni Duque ang sentimyento ng mga senador kung kaya’t inaasahan ng pangulo na magdodoble kayod pa ito sa kanyang trabaho lalo na’t nahaharap ngayon ang bansa sa krisis at ang kanyang departamento ang nangunguna dito.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi naman ni Duque na lahat naman ay ginagawa ng DOH para matiyak na magkaroon ng isang matatag na laban kontra COVID-19.

Aniya, hindi ito isang laban ng isang tao o ahensya lamang, kundi laban ito ng mamamayang Filipino.

Kasabay nito, tiniyak ng kalihim na sasagutin niya ang mga alegasyon laban sa kaniya sa tamang panahon.

Pero ngayon, kailangan aniyang ng lahat na ituon ang atensyon kasama ng mga health care workers at frontliners sa laban sa COVID-19 Pandemic.

Facebook Comments