Nagpasa ng resolusyon si Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos sa Kamara na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon sa 9-bilyong pondong nakalaan sa Special Risk Allowance na umano’y hindi o kulang na natatanggap ng mga health workers.
Ito ay matapos dumulog sa kaniyang programang Basta Promdi, Lodi sa RMN DZXL Manila ang nurse na si Sam Rivero matapos umabot lamang sa P3,863 ang kaniyang nataggap na SRA para sa loob ng pitong buwan.
Kwento pa ni Rivero, tumanggi ang kanilang human resource office na ilabas ang computation ng kaniyang SRA dahil ‘confidential’ daw ito.
Dahil dito, nakiusap si Delos Santos sa mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang kaniyang panukala.
Kaugnay nito, nagsagawa ng survey ang grupong Filipino Nurses United at lumabas dito na halos 65% ng kanilang mga respondents ang nagsabing hindi nila natanggap ang kanilang SRA at 88% dito ang may reklamo sa kanilang mga natanggap na allowance.