Isang resolusyon ang inihain sa Senado ni Senator Sonny Angara bilang pagpaparangal kay Yuka Saso sa pagkakapanalo nito sa US Women’s Open Golf Championship.
Si Saso ang kauna-unahang Pilipina na nasungkit ang titulo at ang kanyang pagkakapanalo ay dahil sa pagsusumikap at matinding determinasyon.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 755 na inihain ni Angara, maituturing na inspirasyon si Yuka sa maraming Pilipino para pumasok sa larangan ng sports.
Lumikha din aniya ito ng matinding interes sa golf ng maraming Filipino.
Maliban kay Yuka, una na ring nagbigay karangalan sa Pilipinas nitong nakaraang mga buwan sina Hidilyn Diaz sa larangan ng weightlifting at ang tennis rising star na si Alex Eala.
Facebook Comments