Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyong nagpapadeklara ng krisis sa pabahay sa Pilipinas.
Nakapaloob ito sa House Resolution 1677 na iniakda nina Negros Occidental Representative Kiko Benitez, San Jose del Monte, Bulacan Representative Rida Robes at iba pang mga kongresista.
Nakasaad dito na 6.7 milyong bahay ang kailangan hanggang sa taong 2022.
Base naman sa tala ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) nasa 1.8 milyong bilang ng pamilya ang “informal settlers, ” at higit sa 478,000 kabuuang bilang ay nasa Metro Manila.
Pinakikilos dito ang mga ahensya ng pamahalaan tulad DHSUD upang maikasa ang mga resources para sa socialized housing sa tulong ng pribadong sektor.
Umaasa naman si Robes, Vice Chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, na gawing prayoridad ang problema sa pabahay sa ilalim ng panukalang 2022 national budget.
Nabatid na napakaliit lamang ng alokasyong inilaan ng gobyerno para sa pabahay kung saan mula 2010 hanggang 2021 ay nasa 0.74% lamang ito ng pambansang pondo.