Naghain na ang Makabayan Bloc ng resolusyon para ipasiyasat ang deficiency na natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa Department of Health (DOH) na aabot sa P67.32 billion.
Ang nasabing halaga ng pondo ay alokasyon sana para sa COVID-19 response.
Sa inihaing House Resolution 2129, pinasisilip ng Makabayan sa House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts ang grave inefficiency, gross incompetence, at criminal negligence ng DOH sa pamamahala ng pondo para sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Bukod sa kwestyunableng paggamit sa pondo para sa pagtugon sa pandemya, ilan din sa posibleng busisiin ng Kamara ang ilan pa sa nakapaloob sa COA 2020 audit report.
Kabilang dito ang P24.64 billion para sa access sa public health services ng mga Pilipino; P3.967 billion na deficiency sa procurement process ng mga kontrata at proyekto ng ahensya; P2.832 billion na unutilized na Health Facilities Enhancement Program (HFEP) infrastructure projects; P1.225 billion na halaga ng undelivered/unutilized equipment para sa HFEP; at ang iregular, hindi kailangan at sobrang paggastos ng ahensya na aabot sa P558 million.
Tinukoy sa panukala na ang inefficiency, delay at incompetence sa paghahatid ng serbisyo sa gitna ng health crisis ay katumbas na ng criminal negligence dahil sa dami ng mga Pilipinong nasawi sa pagkakasakit ng COVID-19.