Resolusyong nagpapalawig sa deadline ng voter registration, aprubado na sa komite ng Kamara

Inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang dalawang resolusyon na humihimok sa Commission on Elections (COMELEC) na palawigin pa ang deadline ng voter registration.

Iminosyon ni Committee Vice Chair Elpidio Barzaga ang pag-adopt ng komite sa dalawang resolusyon at wala namang tumutol.

Ang House Resolution 2128 ng Makabayan bloc at ang House Resolution 2139 ng Liberal Party congressmen ay parehong humihiling sa COMELEC na i-extend pa hanggang October 31, 2021 ang deadline para sa registration ng mga bagong botante mula sa orihinal na September 30.


Layunin ng resolusyon na maiwasan ang massive voter disenfranchisement bunsod na rin ng COVID-19.

Ipinunto rin sa mga resolusyon na ngayong nasa gitna ng health crisis ang bansa ay prerogative na ng COMELEC na i-adjust ang deadline dahil sa problemang dulot ng pandemic gayundin sa limitasyon sa pagpaparehistro ng mga botante bunsod ng mahabang lockdown.

Binigyang diin pa na ang isang buwang extension ng voter registration ay hindi makakaapekto sa paghahanda ng COMELEC para sa paparating na halalan.

Facebook Comments