Inihain ni Senator Grace Poe ang Senate Bill 2445 na naglalayong suspindehin ang koleksyon ng excise taxes sa gasolina at diesel kung aabot ang average price ng Dubai crude oil sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Giit ni Poe, kung maisasagawa ito, ay bababa agad ng P10 ang presyo kada litro ng gasolina at P6 kada litro ng diesel.
Pinapa-amyendahan ng panukala ni Poe, ang section 148 ng National Internal Revenue Code para sa pagsuspinde sa excise taxes sa mga regular na gasolina, unleaded premium gasoline at diesel.
Tinukoy ni Poe na nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na pinapayagan ang suspensyon ng naka-iskedyul na pagtaas ng excise tax sa petrolyo kapag pumalo ang tatlong buwang average ng Dubai crude oil prices sa $80 kada bariles o higit pa.
Tinukoy rin ni Poe ang report ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong nakaraang linggo, na bagama’t bumagsak ang food inflation sa 5.3 porsyento nitong Oktubre, ay tumaas naman ang fuel inflation ng 32.9 porsyento mula sa 21.3 porsyento noong Setyembre.
Diin ni Poe, isa ito sa pinakamataas na naiulat ngayong taon.
Kaya naman katwiran ni Poe, kung hindi kayang magbigay ng pamahalaan ng sapat na ayuda sa mga mamamayan, ay magawa man lang nitong ibsan ang kanilang kalbaryo.