Manila, Philippines – Inihain ngayon ni Senate President Vicente Sotto III ang Senate Resolution 1028 na nag-aatas sa Senate Committee on Public Services at iba pang kinauukulan ng komite na imbestigahan ang nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Ang hakbang ni Sotto ay tugon sa mahinang suplay at kawalan ngayon ng tubig sa libu-libong tahanan at ospital sa Metro Manila at iba pang lugar sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Sotto, layunin ng pagdinig na matukoy ang tunay na dahilan ng krisis sa tubig.
Sabi ni Sotto, pangunahin ding target ng pagdinig na mailatag ang nararapat na hakbang para matiyak ang sapat na tubig sa kalakhang Maynila at mga kalapit na lugar.
Iginiit ni Sotto na kapag hindi agad naresolba ang water crisis ay magdudulot ito ng mas malaking problema sa publiko at sa mga negosyo na tiyak na makakaapekto sa buong bansa.