Kumukuha na ng mga impormasyon ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) kaugnay sa napaulat na pagtaas ng kaso ng respiratory illness sa China.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nais malaman ng DOH kung ano ang kasalukuyang estado ng naturang sakit upang makapagsagawa ng kaukulang hakbang ang Pilipinas.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa International Health Regulations National Focal Point ng China para sa karagdagang impormasyon ng nasabing sakit.
Samantala, nakitaan na rin ng Bureau of Epidemiology ng pagtaas ng kaso ng influenza like illness ang Pilipinas.
Kaya naman nagpaalala ang DOH sa publiko na maging responsable sa tamang pag-ubo, magsuot ng face mask kung may sakit, mag-isolate, at magpabakuna para mapigilan ang pagtaas ng influenza like illness sa bansa.