Respondents sa Horacio Castillo III hazing case, nanindigan na enlargement of the heart ang ikinamatay ni Atio

Manila, Philippines – Nanindigan ang respondents sa Horacio Castillo III hazing case na hindi dahil sa initiation rites namatay si Atio.

Nagprisinta ng medical experts ang tatlo sa respondents sa kaso ng para panindigan na namatay si Atio dahil sa sakit nitong enlargement of the heart.

Sa isinumiteng rejoinder affidavit nina John Paul Solano, Mhin Wei Chan at Axel Hipe, inilatag ng mga ito ang affidavit ng mga medical experts na sina Atty. Floresto Arizala Jr. na dating hepe ng Medico-Legal Department ng National Bureau of Investigation (NBI), Dr. Rodel Capule at Dr. Bu Castro.


Para kay Arizala, “out of this world” ang histopath findings ni Supt. Joseph Palmero ng PNP-Crime Laboratory dahil hindi tamang gamitin na termino ang “hazing” bilang dahilan ng pagkamatay.

Naniniwala si Arizala na ang dahilan ng pagkamatay ni Atio ay Hypertrophic Cardiomyopathy (HCM) o enlargement of the heart.

Iginiit naman ni Capule na malinaw sa unang medico-legal report ng Manila Police District na enlargement of the heart ang ikinamatay ni Atio.

Para naman kay Castro, hindi kayang tukuyin sa medico-legal report at histopath findings ang dahilan ng pagkamatay ni Atio.

Kinukwestiyon din ni Solano sa kanyang rejoinder affidavit ang qualification ni Palmero para gumawa ng histopath findings dahil hindi raw ito lisensyadong pathologist at hindi ito kasapi ng Philippine Society of Pathologist.

Facebook Comments