Respondents sa Percy Lapid at Jun Villamor murder case, padadalhan na ng subpoena ng DOJ

Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Spokesman Atty. Mico Clavano na padadalhan na ng subpoena ang mga sangkot sa pagpatay kina Percy Lapid at sa inmate na si Jun Villamor.

Ayon kay Clavano, kabilang sa padadalhan ng subpoena si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.

Aniya, sa pamamagitan ng subpoena ay makapagbibigay ng kanilang panig ang respondents sa pamamagitan ng paghahain ng counter-affidavit.


Nilinaw rin ni Clavano na magiging patas ang imbestigasyon ng DOJ panel of prosecutors.

Layon aniya ng gagawing preliminary investigation na madetermina kung may probable cause sa reklamong murder at kung nararapat bang iakyat ang kaso sa korte.

Kaugnay naman sa akusasyon ni Bantag na planado ng administrasyon at ni Justice Sec. Crispin Remulla ang pagdiin sa kanya sa kaso ay iginiit ni Clavano na walang may gusto na masangkot si Bantag sa kaso.

Aniya, ang mga lumutang na ebidensya at testigo ang nagbigay linaw na si Bantag ay sangkot sa nasabing krimen base sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).

Facebook Comments