Patuloy na isinusulong ng kapulisan sa bayan ng San Jacinto ang responsableng pag-aari ng baril sa pamamagitan ng Oplan Katok, kasabay ng paalala sa mga gun owner na sumunod sa umiiral na batas.
Sa pinakahuling isinagawang operasyon, isang baril na may pasong lisensya ang kusang isinuko sa San Jacinto Municipal Police Station (MPS) upang ideposito habang inaayos ang mga kaukulang dokumento.
Ayon sa pulisya, ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act 10591 o ang batas na nagreregula sa pagmamay-ari at paggamit ng mga baril at bala.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang isinukong baril habang isinasagawa ng may-ari ang pagre-renew ng lisensya at iba pang kinakailangang papeles.
Samantala, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging responsable sa paghawak ng baril at tiyaking updated ang mga dokumento upang maiwasan ang paglabag sa batas at mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.










