Muling nagpapaalala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko lalo na sa mga residente na maging responsable sa pagtatapon ng mga basura.
Ito ay kaugnay ng madalas na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Ayon sa Manila Public Information Office, karamihan sa mga basura na nakukuha sa mga kanal o sa mga estero ay yung tinatawag na household wastes.
Kabilang dito ay mga food waste, mga papel, plastic at styro, mga kahoy at mga namuo ring mantika o sebo.
Apela ng Manila Local Government Unit (LGU), sumunod sa tamang paraan at tamang oras ng pagtatapon ng basura upang hindi magkaroon ng problema.
Bagama’t may mga tauhan na naglilinis, nagsasaayos at nangongolekta ng mga basura, importante na responsable ang mga tao bilang tulong sa mga ito.
Matatandaan na nauna nang isinisi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga basura kaya hindi pa rin naiiwasan ang mga baha lalo na sa Metro Manila.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang operasyon ng Manila LGU sa pamamagitan ng Department of Engineering and Public Works (DEPW), Department of Public Services, at Manila Disaster Risk Reduction Management Office kung saan isinasailalim sa declogging at cleaning o tinatanggal ang mga bara sa mga kanal upang maging maayos ang daluyan ng tubig papunta sa mga drainage.