“RESPONSABLENG PANONOOD”; SEMINAR NG MTRCB, GAGANAPIN SA DAGUPAN CITY

Aarangkada ang “Responsableng Panonood” ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) bukas, Nobyembre 22, 2025, sa Pantal Elementary School na may layuning paigtingin ang tamang paggabay sa mga manonood, lalo na sa kabataan, sa harap ng mabilis na pag-unlad ng media at digital platforms.

Sa seminar, tatalakayin ang kahalagahan ng matalinong pagpili ng mga palabas, tamang pag-unawa sa MTRCB ratings, at kung paano mapoprotektahan ang pamilya sa mga palabas na maaaring hindi angkop para sa mga bata. Bibigyang-diin din ang responsibilidad ng bawat manonood na maging maingat at mapanuri upang makabuo ng isang ligtas at responsableng media environment sa komunidad.

Isa sa mahalagang bahagi ng programa ang pagbisita ng MTRCB Chairperson Lala Sotto, na personal na pupunta sa lungsod upang suportahan ang adbokasiya at kanyang dedikasyon sa pagpapalakas ng media literacy sa buong bansa.

Kaugnay nito, Patuloy na hinihikayat ang publiko na maging bahagi ng mga ganitong inisyatiba na nagbibigay ng tamang kaalaman para sa mas ligtas, mas responsable, at mas makabuluhang panonood sa bawat tahanan.

Facebook Comments