Responsibilidad sa lahat ng pondong ginagastos ng pamahalaan para sa COVID-19 response, aakuin ni Pangulong Duterte!

Aakuin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga responsibilidad sa lahat ng mga pondong ginagastos ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang public address sa Davao City kahapon na ini-ere kaninang umaga, tiniyak ng Pangulo na lahat ng pera na ginugugol sa COVID-19 response ay maa-account.

Aniya, siya mismo ang mag-eendorso ng kaso laban sa mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa hindi tamang paggasta ng pondo.


Pero tiwala naman ang Pangulo na napanghahawakan ng maayos ng National Task Force against COVID-19 ang pondo para sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2.

Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang task force na ilabas kung paano at saan ginastos ang pondo.

Inatasan din niya ang kanyang gabinete na maglabas ng ulat sa paggasta ng pondo ng mga departamento kada 15 araw.

Hinimok din ni Pangulong Duterte ang Kongreso na ilagay ang lahat ng kinakailangang safety measures sa Bayanihan 2 para matiyak na magagastos nang tama ang pondo sa pagtugon sa pandemya.

Facebook Comments