RESTAURANT OWNER SA URDANETA CITY, TUMULONG SA PANGANGANAK NG ISANG BABAE

Isang kahanga-hangang kwento ng kabayanihan ang ipinakita ng isang restaurant owner sa isang babaeng naabutan ng panganganak sa Urdaneta City, Pangasinan.

Si Idol Irene P. Cabida, may-ari ng isang restaurant sa lungsod, na hindi nagdalawang-isip na magbigay ng tulong sa kabila ng hindi inaasahang sitwasyon.

Kuwento ni Irene sa IFM News Dagupan, abala ito sa kanyang negosyo nang biglang tawagin siya ng isa sa kanyang staff tungkol sa isang babaeng lulan ng tricycle na tila malapit nang manganak. Kaagad siyang lumabas at tinulungan ang babaeng manganak.

Matagumpay na iniluwal ang isang malusog na lalaking sanggol sa tulong ni Irene.

Hindi pa riyan nagtatapos ang kuwento dahil napag-alaman ni Irene na kambal pala ang ipinagbubuntis nito.

Agad tumawag si Irene ng suporta mula sa BFP Medical Assistance Team, na tumulong upang ligtas na maihatid ang babae sa Urdaneta District Hospital.

Bagamat hindi na nakasama si Irene sa ospital, sinigurado niyang nasa maayos na kondisyon ang mag-ina bago sila dalhin doon.

Ang di-matatawarang kabayanihan ni Idol Irene ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng malasakit, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Ang kanyang kwento ay tunay na ehemplo ng bayanihan na maituturing na inspirasyon sa marami.

Sa kabila ng abalang buhay bilang negosyante, pinatunayan ni Irene na ang puso para sa serbisyo at pagtulong ay hindi kailanman nawawala. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments