Restobar manager at walong iba pa, arestado sa Caloocan City dahil sa paglabag sa ipinatutupad na social distancing at ilegal na pagsusugal

Hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang restobar manager at walo pa nitong kasamahan dahil sa paglabag sa ipinatutupad na social distancing at pagsasagawa ng ilegal na sugal sa Barangay 106, Caloocan City.

Sa ulat ng PNP-CIDG, naaktuhan ang mga suspek na dikit-dikit habang naglalaro ng ilegal na sugal sa loob ng Queencel Restobar and Grill sa Caloocan City.

Kinilala ang restobar manager na si Maricel Elijedo, 50 anyos; driver nitong si Christopher Ramos, 43 anyos; watch technician na si Vicson Lamadrid, 45 anyos; Reinerio Kuizon, 35 anyos; Arman Mariano, 50 anyos; Delfin Pasia, 37 anyos; Arnold Palicpic, 63 anyos; Mario Ramos, 57 anyos at Paulino Aler dating barangay kagawad.


Nakuha sa mga naaresto ang tatlong billiard que sticks, billiard balls, chalk at cash na mahigit siyam na libong piso.

Sa ngayon, nahaharap na ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal gambling, at mga kasong may kinalaman sa paglabag sa quarantine protocols.

Facebook Comments