Dahil sa angking galing at abilidad ng mga Pilipinong manggagawa, isinusulong ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang pagpapa-unlad, importasyon at pagnenegosyong may kinalaman sa restoration ng mga antigong sasakyan sa bansa.
Nakapaloob ito sa Senate Bill No. 2396 o ang panukalang “Vintage Vehicle Regulation Act” na inihain ni Gatchalian.
Malaki ang tiwala ni Gatchalian sa potensyal na makapagbunsod ito sa pagbubukas ng bagong negosyo sa mga maliliit na negosyante at magkaroon ng mga parokyano hindi lang dito ngunit maging sa mga dayuhang mahilig magmay-ari ng mga antigong sasakyan.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na habang patuloy na nakikipaglaban ang buong mundo sa pandemya at pilit nating pinagtatagumpayan ang unti-unting paglago ng ekonomiya, magandang pagkakataon na itaguyod ang ganitong klase ng industriya.
Tiwala si Gatchalian na makakapagbigay ito ng trabaho sa mga bihasa nating mga mekaniko, trabahador, shop owners, at iba pang manggagawa sa negosyong ito.
Para kay Gatchalian, magandang pagkakataon din ito na makapag-ambag sila sa motoring history ng bansa.