Restoration ng mga transmission line na sinira ng Bagyong Agaton, nakumpleto na – NGCP

Naibalik na ang mga serbisyo ng kuryente sa Bohol matapos makumpleto ang restoration ng mga nasirang transmission lines dahil sa Bagyong Agaton.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ganap nang na-energize ang Ormoc-Maasin 138kV line 2 at ang Maasin-Ubay 138kV line na nag-uugnay sa Leyte at Bohol.

Inilagay ang Emergency Restoration Systems (ERS) para i-bypass ang mga tower ng Ormoc-Maasin lines 1 at 2 na naapektuhan ng landslide sa kasagsagan ng bagyo.


Mahigit sa 100 linemen at support personnel ang nagtrabaho sa buong Semana Santa para sa mano-manong pagaayos ng mga sirang linya.

Bukod dito, sinisikap pa ng NGCP na mapanumbalik na rin ang ganap na operasyon ng Ormoc-Maasin 138kV line 1 gayundin ang pagpaplano ng permanenteng restoration ng mga apektadong tower.

Facebook Comments