Minamadali na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pagkukumpuni sa isa nitong tower sa Lanao del Norte na umano’y intensyong sinabotahe noong Lunes.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza na nagpapatuloy pa ang restoration sa Tower #60 sa bayan ng Tangcal na kasama sa Balo-i-Aurora 138kV line.
Dahil dito apektado pa rin ang suplay ng kuryente sa Northwestern Mindanao area.
Tingin ng NGCP, hindi mga rebelde ang nanabotahe sa kanilang tore at nagnakaw sa iba’t ibang parte nito.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa awtoridad at nakiusap sa lokal na pamahalaan at community leaders na tulungan silang matukoy ang mga nasa likod ng pananabotahe.
Samantala, bukod sa pagpapatumba sa kanilang mga tower, problema rin ng NCGP ang intensyunal na pagtatanim ng mga puno sa ilalim ng mga transmission lines na nagiging sanhi ng mga power interruption.