Posibleng magpatupad na ng restrictions ang pamahalaan para sa mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Pero paglilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ito ay kung sakaling mayroon na tayong sapat na supply ng COVID-19 vaccines para sa lahat ng mga Pilipino.
Giit ni Bello, ang kakulangan pa rin kasi natin ngayon sa supply ng bakuna ang pumipigil para magpatupad ng restrictions lalo na’t marami naman ang mga gustong magpabakuna.
Kasunod nito, sinabi ni Bello na maaaring gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang emergency powers para magpatupad ng restrictions sa mga hindi pa bakunado.
Sa ngayon, ikinokonsidera din ng DOLE na maglabas ng advisory na kailangang bakunado ang isang indibidwal para makapasok sa trabaho.
Sa kabila niyan, pinag-aaralan pa rin naman ang mga implikasyon nito pagdating sa legal na usapin lalo na’t wala pa tayong batas para sa mandatory vaccination.