Isinusulong sa Kamara na iayon sa sitwasyon ngayong may pandemya ang paggamit at paglalaanan ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kasunod ito ng pagtalakay ng House Committee on Games and Amusements sa dalawang panukala na layong amyendahan ang PCSO Charter.
Ayon kay Abra Rep. JB Bernos, Chairman ng nasabing komite, kailangang ma-rationalize ang pondo ng PCSO na iaakma sa kasalukuyang kondisyon ng COVID-19 pandemic.
Nakasaad sa mga panukala ang restructuring o pagsasaayos ng alokasyon ng Charity Funds ng ahensya na itutuon sa mga programang may kaugnayan sa kalusugan tulad ng ambulansya, universal health care coverage, medical assistance, at subsidiya sa mga pampublikong pagamutan.
Nakapaloob din ang redirecting ng pondo na inilalaan ng PCSO sa ilang mga tanggapan at programa na mas kailangang magamit sa hospitalization at assistance ngayong nahaharap ang bansa sa global health crisis.
Tinukoy ng kongresista na isa ang PCSO sa mga ahensya ng gobyerno na madalas nilalapitan ng mga mahihirap na Pilipino para makahingi ng tulong sa pagpapa-ospital kaya naman sa panukalang amyendahan ang charter nito ay makakatulong ito para mas matugunan nang mabilis ang atensyong medikal na kinakailangan ng mga indigent patients.