Manila, Philippines – Isusulong ni Taguig 1st District Representative Alan Peter Cayetano ang magkaroon ng restructuring sa deputy speakership system.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbuo ng mga bagong pwesto para sa key members na aatasan sa oversight ng legislative work at matiyak ang pagkakapasa ng mga panukala.
Sa ginanap na caucus ng PDP-Laban na pinangunahan ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco, nais ni Cayetano na bumuo ng deputy speakership post para sa finance, ways and means, education, economic development at internal affairs.
Mula sa kasalukuyang 14 na deputy speakers para sa regional representation, magkakaroon na rin ng deputy speakers para sa Northern Central at Southern Luzon, Eastern at Western Visayas, Southern at Northern Mindanao at para sa Metro Manila.
Gagawin namang Deputy Speaker for Internal Affairs si Congressman Boyet Gonzales.
Binalikan naman ni Cayetano si Senator Panfilo Lacson matapos batikusin na pansariling interest lamang ang isinusulong niyang cha-cha para palawigin ang termino ng mga opisyal.
Iginiit ni Cayetano na hindi niya kailangan ng mahabang termino dahil kaya niyang manalo sa halalan.
Gusto lamang niyang baguhin ang termino ng mga opisyal para mas marami silang magawa.