Umapela si Albay Rep. Joey Salceda na irespeto ang resulta ng botohan para sa mga kandidato sa pagka-pangulo.
Sa partial unofficial count ng Commission on Elections (COMELEC) Transparency Media Server, nangunguna si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na may mahigit 31 milyong boto laban sa mahigpit nitong katunggali na si Vice President Leni Robredo na may mahigit 14 na milyong boto.
Bagamat patuloy pa ring pumapasok ang bilang ng mga boto mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, sinabi ni Salceda na malinaw na may pinili na ang mayorya mga Pilipino at ito ay dapat na irespeto.
Matatandaang si Robredo ang dinadalang pangulo ni Salceda sa probinsya ng Albay at sa buong Bicol Region.
Kumbinsido umano siya na ang kanyang kandidato ay makabubuti para sa kumpyansa ng ekonomiya ng bansa, gayunman tayong lahat ay nasa iisang grupo lamang na ‘Team Philippines’ kaya dapat lamang na magtulungan nang sa gayon ay magkaroon din ng kumpyansa ang mga dayuhang mamumuhunan at mga negosyo sa bagong pangulo ng bansa.